• Written by Jay S. Dueñas
  • Print ,

Ano nga ba ang mga positibo at negatibong naidudulot ng mga makabagong teknolohiya sa mga kabataan at edukasyon? Paulit-ulit nang winiwika ng ating mga magulang ang mga katagang “Ang edukasyon ang tanging maipapamana ko sa iyo”. Tunay ngang ang edukasyon ay isang kayamanan na ‘di mananakaw ninuman. Ito ang sandatang kailangang makamit ng mga kabataan na magsisilbing panangga nila sa kahirapan.

    


Ang edukasyon ay napakahalaga sapagkat ito ang magiging sandigan ng mga kabataan tungo sa kaunlaran. Ang mga kabataang ito ang magsisilbing susi upang umunlad ang ating lupang sinilangan. Mga kabataang makapagbibigay liwanag sa mga mamamayan mula sa madilim na nakaraan. Na magiging daan patungo sa ating pinakaaasam-asam na pagbabago at kaunlaran.


Sa panahon kung saan ang agham at teknolohiya ay patuloy na sumisibol, iba’t ibang mga gadgets ang mga naiimbento’t natutuklasan. Kaliwa’t kanan na ang mga makabagong bagay na nalilikha ng tao. Ilan sa mga ito ay  ang cell phone, computer pati na rin ang pagtuklas sa internet.  Ito ang mga makabagong bagay na makagpapadali ng ating pamumuhay at ating mga gawain. Sa kasalukuyang panahon, ito ay kinahuhumalingan ng mga kabataan.


Ang computer ay may napakalaking tulong sa ating mga mag- aaral lalong lalo na sa aspeto ng pananaliksik. Hindi mo na kailangang maghalukay pa ng maraming aklat para kumuha ng mga kaunting na impormasyon sa bawat libro. Hindi mo na kailangang maghalungkat sa mga silid-aklatan upang maghanap ng mga datos na kinakailangan sa iyong takdang aralin. Puntahan mo lang ang google, isulat mo lang ang paksa na hinahanap mo, mag-antay ka lang ng ilang sandali, at makikita mo na ang iyong hinahanap.


Isa pa sa makapagpapadali ng kanilang gawain ay ang cellphone, na nagsisilbing isa sa pinakamahalaga at pinakaimportanteng imbensyon ng tao sapagkat ito ay nagpapadali sa ugnayan ng tao. Ito ay maaaring gamitin sa mga panahon ng kagipitan. Hindi mo na kailangan pang maghintay ng ilang buwan maipadala lamang o matanggap ang isang sulat. Sa makabagong panahon, isang text mo lamang, segundo lang ang aantayin mo at maaari mo nang maipadala ang mensaheng nais mong maiparating.


Ngunit ang dalawang mukha: ang mabuti at masama. Ang mga teknolohiyang makabago ay may dulot ding negatibo sa mga kabataan. Sa halip na sa pagpapaunlad ng karunungan, ito ay ginagamit nila sa hindi tamang gawain. Sa halip na magsaliksik para sa takdang aralin, ang inaasikaso ay counterstrike, instagram at facebook. Ito ang ilan sa mga paraan ng paggamit ng mga kabataan sa mga makabagong teknolohiya.


 Sana matutunan ng mga kabataang gamitin ang mga makabagong teknolohiya tungo sa kaunlaran at pag asenso. Nawa ay gamitin ng mga kabataan ang mga teknolohiyang ito sa edukasyon. Hindi ba’t edukasyon ang natatanging kayamanan na hindi mananakaw ninuman?


Ito ang natatanging pananggalang sa lahat ng pagsubok ng buhay. Ang isang taong edukado ay isang taong maalam sa buhay.

Reference: Google Search Teknolohiya sa Kabataan at Edukasyon

Iskolar ng Bataan